Ebanghelyo: Juan 15:12-17
Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. “Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.”
Pagninilay
“Mga kaibigan ko kayo.” Nakakalungkot na katotohanan na hindi lang mga bagay ang huwad o peke ngayon, maging kaibigan, pag-ibig at relasyon din. Kaya nga winika ni Sta. Teresa Benedicta ng Krus, isang monghang Karmelita, “Huwag mong tanggapin bilang pag-ibig ang hindi makatotohanan.” Sa Unang Pagbasa ang mga huwad o nagpapanggap na sugo ng mga alagad ay nagdulot ng kaguluhan sa simbahan, kaya humirang ang mga alagad at matatanda ng mga tunay na sugo upang gumabay, magbigay direksyon at palayain mula sa hadlang sa pagsasabuhay ng Mabuting Balita ang mga bagong kristiyano. Kung gusto nating malaman kung peke o tunay ang ating pagmamahal sa ating kaibigan. Ang pagmamahal sa atin ng Panginoon na nasa ebanghelyo ang sukatan. Katulad ng Panginoon, kung tunay tayong nagmamahal, handa tayong mag-alay ng sarili alang alang sa kaibigan. Kung paanong ipinaalam ni Jesus sa atin ang lahat ng narinig Niya sa Ama, ang tunay na kaibigan ay nagbubukas ng kalooban at nagpapakilala ng sarili at marunong makinig. Ang magkaroon ng tunay na kaibigan ay karanasan ng pagkahirang, pagtatalaga at katapatan. Nagkakaisa sila ng kalooban at nabubuklod malalim na panalangin. Namumunga at nananatili ang kanilang bunga. Mapalad ang may tunay na kaibigan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





