Ebanghelyo: Mc 10: 1-12
Umalis doon si Jesus at nagpunta sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao na naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?“ Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?“ At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.“ Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.“ Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.“
Pagninilay
“Ang dalawa ay magiging isang katawan.” Winika ni Jesus sa mga Pariseo ang tungkol sa kahulugan at kahalagahan ng Sakramento ng Kasal. Pinapakita ni San Marcos sa Ebanghelyo na ang isyu ng diborsiyo ay tinalakay din sa panahon ni Jesus. Ito’y isa ring mainit na talakayin sa loob ng simbahan at ng lipunan ngayon – na isang malaking hamon sa buhay
mag-asawa. Mahigpit na pinagtibay ni Jesus na, “huwag paghiwalayin ng sinuman ang pinagsama ng Diyos.” Kaya patuloy na itinataguyod ng Simbahan ang kahalagahan ng Kasal. Mahalagang pagnilayan din ang paliwanag ni Jesus kung bakit pinayagan ni Moises ang diborsyo, “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae…” Ayon kay Pope Francis “Ang kasal, ay ang sakramento na “naghahatid sa atin sa puso ng plano ng Diyos, iyon ay isang disenyo ng tipan sa kanyang mga tao, sa ating lahat, isang disenyo ng pakikipag-isa.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




