Ebanghelyo: Juan 15:18-21
Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na sa akin muna ito napoot bago sa inyo. Kung kayo’y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo. Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang lingkod na mas dakila sa kanyang panginoon.’ Di ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Gagawin nila sa inyo ang lahat ng ito dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.
Pagninilay
“Uusigin din kayo.” Naghahanap ka ba ng direksyon sa buhay? Gawin mong gabay ang Espiritu Santo. Sa Unang Pagbasa makikita natin kung paanong ginabayan ng Espiritu Santo si Pablo at pinagkalooban siya ng kaalakbay at katuwang sa katauhan ni Timoteo. Hindi lang ‘yon, sa kanilang paglalakbay ni Timoteo, ang Espiritu Santo ang nagbigay direksyon sa kanila. Hinadlangan nito ang kanilang pangangaral sa Asia. Hindi rin nito ipinahintulot ang kanilang pagpunta sa Bitinia. At sa isang pangitain ay pinapunta sila sa Macedonia. Naranasan nila ang personal at direktang pagkilos ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Sa ating Mabuting Balita, ipinakikita ng Panginoon ang katotohanan na sa ating paghahanap ng direksyon, makakaranas tayo tunggalian sa ating mundong ginagalawan. Sa ibang direksyon tayo aakitin ng mundo. Kaya sa ating pagtalikod sa kanyang pang-aakit, kapopootan tayo ng mundo at uusigin sapagkat
kaiba tayo. Gayun paman, sa gitna ng poot at salimuot ng mundo, nariyan ang Espiritu Santo upang gabayan tayo sa ating paglalakbay sa dilim ng buhay. Tatanganan Niya ang ating kamay upang di tayo bumitaw. Sasabayan Niya ating bawat hakbang upang di maligaw. At ihahatid Niya tayo sa direksyon na tanging sa Panginoon hahantong.
© Copyright Pang Araw-araw 2025