Ebanghelyo: Mt 28: 16-20
Pumunta naman sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”
Pagninilay
Ang doktrina ng Banal na Santatlo ay itinuturing na isa sa mga sentral
na misteryo ng ating pananampalataya at turo ng Simbahan. Isa itong misteryo dahil ito ay isang katotohanan tungkol sa Diyos na hindi lubos maunawaan ninuman kung hindi ito ipagkakaloob ng Diyos dahil ang Diyos mismo ay isang misteryo! Ang pagiging Isa ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos: Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ay isa sa mga sekreto na ibinunyag ni Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos! ‘Ibinigay sa akin ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa. Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan mo sila sa pangalan ng Ama ng Anak at ng Espiritu Santo. Kaya ang paggawa natin ng Tanda ng Krus ay isang pagpapahayag na tayo ay naniniwala sa Iisang Diyos sa Tatlong Persona. Hilingin natin Kay Jesus na sa pamamagitan ng Espiritu Santo maunawaan nating at maisabuhay ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024