Ebanghelyo: Juan 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito, ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!”
Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya ma ma matay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y puma rito.”
Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay
Sino nga ba ang alagad na mahal ni Jesus? Ilang beses nabanggit ang naturang alagad subalit di ito pinangalanan. Siya ang alagad na nakahilig sa tabi ni Jesus noong huling hapunan. Siya ang alagad na kasa-kasama ng ina ni Jesus sa panahon ng kanyang hinagpis sa pagpapakasakit at kamatayan ng kanyang anak sa krus. Siya ang alagad na kasama ni Pedro na nakasaksi na wala ng laman ang libingan. Siya ang alagad na sa kanyang katahimikan, ay sumulat ng lahat niyang nasaksihan upang patunayan ang lahat ng naganap kay Jesus. Nanatili siya sapagkat mahal niyang tunay si Jesus. Siya ang di pinangalanang alagad na kumakatawan sa lahat ng naniniwala at nagmamahal kay Jesus. Maging alagad din nawa tayo na walang ngalan sa ating pagiging matapat na kaibigan ni Jesus na palaging kapiling niya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





