Ebanghelyo: Juan 20:19-23 (o Juan 14:15-16, 23b-26)
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!”
Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.
At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Pagninilay
Pinasinayaan ang ministeryo ni Jesus nang siya’y bininyagan at pumanaog sa kanya ang Espiritu Santo. Nagsimula ang kanyang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang pagpapagaling niya sa mga maysakit, at ang paggawa ng mga kamangha-manghang bagay. Ibinahagi ni Jesus ang ministeryong ito sa mga alagad at pinasinayaan sa Pentekostes kung saan isinilang ang Simbahan. Nilukob ng Espiritu Santo ang Simbahan at binahaginan ng mga biyaya para sa pagpapatuloy ng kanyang misyon at sa pagbubuo ng pamayanang Kristiyano para sa kanyang pagyabong.
Tayo rin ay tinatakan ng Espiritu Santo sa ating binyag at pinatatag sa sakramento ng kumpil. Dahil dito, tayo’y naging kabahagi ng misyon ng mga alagad ni Kristo. Sa kumpil, ang mga grasya at biyayang ating natanggap ay pinagtitibay upang ito’y maibahagi sa patuloy na pagpapalago ng Simbahan sa pamamagitan ng iba’tibang ministeryo. Marapat lamang na ating suriin ang mga grasya na ating natanggap, linangin ito at gamitin sa paglilingkod sa Panginoon at sa Simbahan.
Tulad ng isang katawan na may iba-ibang bahagi, bawat isa sa ati’y may kanya-kanyang bokasyon, tinawag at inatasan upang makabahagi sa pagsulong ng Simbahan, ang bayan ni Kristo. Ihandog natin sa Panginoon ang ating mga kakayahan at mga mabubuting katangian sa ating paglilingkod. Bawat isa’y bahagi ng misyon. Huwag nawa tayong magalinlangang makilahok sa mga ministeryo sa parokya at kapilya na ating kinabibilangan. Hilingin natin ang patnubay ng Espiritu Santo upang ating matagpuan ang ating sariling tawag.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





