Ebanghelyo: Mc 10: 46-52
Dumating sila sa Jerico. At pag-alis niya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabi ng daan – si Bartimeo, ang anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, Anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa akin!” Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus. Kinausap ito ni Jesus at sinabing: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.” Agad siyang nakakita at sumunod siya
kay Jesus sa daan.
Pagninilay
Kay Jesus wala ni katititing na pagpapamalas ng pananampalataya at tiwala sa Kanyang Kapangyarihan at malasakit na di Niya napapansin. Isa ito sa maraming tagpo na kung saan sa kabila ng maraming nakapalibot kay Jesus, tuwing may isang mapagpakumbabang indibidwal na lumalapit o tumatawag sa Kanya, nahahanap, naririnig, at tinutugunan Niya ito. Nakakamangha, kung paano Niya pinapakita ang halaga ng bawat isa, lalong-lalo na sa mga taong maliit ang paningin sa sarili na hindi pinapansin kahit ng mga disipulo! Gaano man ang halaga ng pisikal na paningin, mas higit na mahalaga ang paningin ng pananampalataya. Sabi nga, “Ang mga mata ay ang pintuan ng puso.” Ganun din, ang mata ng pananampalatay na siyang pintuan upang makapasok si Jesus. Kung gaano katindi ang pagtitiwala at pagsisikap ni Bartimeo sa kakayahan ni Jesus, ganun din ang tindi ang kanyang pagsisikap upang makamit ang kanyang hinihiling.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




