Ebanghelyo: Lucas 16:9-15
Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan?
Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.
Pagninilay
“Sa Diyos natin ilaan ang ating lakas at oras.” May isang propesor na pari na nagbahagi ng isang aklat sa mga seminarista na may pamagat na ‘We Become What We Worship’. Ayon sa aklat, kung sino o ano ang ating iniidolo, maaaring maging anyo din natin. Ito ay pumapatungkol sa ating mga kilos, asal, prinsipyo, at hitsura. Sa araw na ito, tila sinasabi ng
Panginoon sa atin na ayaw Niya ng hati-hating atensyon. Kapag mahal natin ang isang bagay, tiyak na doon natin ilalaan ang ating panahon at lakas. Kung itinatangi at mahal natin ang Diyos, marapat lamang na sa Kanya rin natin ilaan ang ating lakas at oras. At sa pamamagitan naman nito, tayo ay natutulad sa kanya. Ang kanyang mga tuntunin, ang kanyang mga ugali, ang kanyang kabutihan ay lumalalin sa atin. Magandang suriin natin ang ating mga sarili, ang ating asal, ang ating pag-uugali. Nakikita ba natin sa mga ito ang asal at ugali ni Kristo? Kung ang sagot natin ay hindi, maaaring ang ibig sabihin nito ay hati pa ang ating atensyon. Hindi pa natin siya lubusang napapahalagahan at napagtutuunan ng pansin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





