Ebanghelyo: Juan 2:13-22
Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus
pa-Jerusalem. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.”
Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito,
at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio:
“Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Pagninilay
“Gamitin ang Templo ayon sa kalooban ng Diyos.” Tayong mga Pilipino ay mahilig maglinis ng ating mga bahay kahit walang okasyon. Ito ay dahil sa paniniwala natin na kung maayos ang bahay, maayos din ang buhay ng mga naninirahan dito. Ang disposisyon na ipinakita ni Jesus sa pagsasaayos at pagtatama sa mga nagtitinda sa Templo ay hindi nagmumula sa galit kundi sa malasakit at pag-ibig. Nais niyang ang Templo ay gamitin ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay nagpapakita na sa kalooban at buhay ni Jesus naroroon ang kanyang pagtupad sa kalooban ng Diyos. Sa ating pagbasa, malinaw na ipinapaabot ang halaga ng templo ng Diyos. Mahalaga ang mga estruktura tulad ng Palasyong Simbahan sa Laterano bilang mga onkretong tanda ng Diyos na namamayan sa gitna natin. At mahalaga din, ang mga templo ng Espiritu Santo na tinutukoy ni San Pablo – walang iba kundi ang ating mga sarili, na ang kabanalan at kalinisan ay kailangan ding protektahan at paunlarin. Kaya nga, magandang itanong natin sa ating mga sarili: Gaano ba natin pinahahalagahan ang presensya ng Diyos sa ating mga sarili sa ating mga simbahan?
© Copyright Pang Araw-araw 2025





