Ebanghelyo: Lucas 17:1-6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya
kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na
iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.
Pagninilay
“Ang pagpapatawad ay nagpapalaya.” Hindi biro ang sakit sa puso
kapag ang isang taong malapit sa atin ay nagkasala sa atin. Maaaring mawasak ang tiwala at samahan na binuo sa matagal na panahon.
Ngunit, dapat bang talikuran ang pagkakaibigan? Oo nga’t nasaktan tayo, ngunit hindi dapat mawalan ng pag-asa. Ang mensahe ng Ebanghelyo sa araw na ito ay ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon. Magkaroon nawa tayo ng pusong mapagpatawad, lalo na sa mga taong nagsisisi at nagnanais magbago. Ipinapaalala sa atin ni Jesus, sa Kanyang panalangin
sa krus, ang halaga ng pagpapatawad: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa!” Ang pagpapatawad ay nagpapalaya hindi lang sa nagkasala kundi pati na rin sa ating sarili mula sa galit at sama ng loob. Bagamat mahirap, ang biyaya ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng lakas upang maisakatuparan ito. Hilingin natin ito sa Kanya, upang makamtan natin ang inaasam na kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





