Ebanghelyo: Lucas 17:7-10
Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nagaalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-naloob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”
Pagninilay
“Kami’y mga aliping walang kabuluhan.” Ang entitlement o pagiging entitled ay malaking tukso para sa mga naglilingkod sa Simbahan, pari man o layko. Madalas, mayroong mentalidad na, “Dahil naglilingkod ako, nararapat na mayroon akong pribilehiyo. Dahil sa posisyon ko o dahil nagbigay ako ng malaking halaga, nararapat lang na ako ang nakaupo sa magandang puwesto”. Sa ugnayan natin sa Diyos, minsan nararamdaman natin ang entitlement, na dapat pagbigyan ang ating kahilingan dahil naglilingkod tayo sa Kanya. Pero paano kung hindi napagbibigyan ang ating kahilingan? Ititigil na ba natin ang paglilingkod? Pinapaalala sa atin ng Ebanghelyo na hindi dapat manaig sa atin ang ganitong pag-iisip. Sa halip, gaya ng sinabi ng katulong sa Mabuting Balita, sabihin din natin, “Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin”. Huwag nating isipin na karapat-dapat tayo sa lahat ng tinatamasa natin. Ang lahat ng ito ay biyaya at regalo mula sa Panginoong Diyos, hindi resulta o bunga ng atin lamang paggawa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





