Ebanghelyo: Lucas 17:26-37
Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nagaasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang Baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na magligtas ng sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya. “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Pagninilay
“Buhay na walang hanggan.” Sa araw-araw, napakarami nating pinagkakaabalahan – pamilya, kaibigan, pamayanan, paaralan, trabaho, libangan, kalusugan at iba pa. Walang masama sa mga ito. Sa katunayan, mahalaga ang mga ito dahil nagbubukas ito ng pagkakataon na tayo ay lumago at mapuno ng karanasan. Subalit, nararapat nating tandaan na ang mga ito’y pansamantala lamang at lilipas din. Sa gitna ng mga abalang ito, huwag natin kalimutan ang mas malalim na layunin ng ating buhay – ang buhay na walang hanggan. Ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo na kung masyado tayong nakatuon sa pagliligtas ng ating sariling buhay, mas lalo pang mawawala ito. Ang pananabik para sa buhay na walang hanggan ay nagtutulak sa atin na magbigay, magmahal, at maging mabuting instrumento ng pagbabago sa iba. Sa kabila ng modernong teknolohiya,
tulad ng cellphone at computer, ating timbangin kung ang mga ito ay nagiging sagabal sa pag-unlad ng ating espiritwalidad. Tandaan natin
na ang diwa ng paglilingkod at pagmamahalan ang nagbibigay saysay sa ating buhay. Sa bawat araw, ating patunayan na ang ating paglalakbay ay nagbubukas ng landas patungo sa buhay na walang hanggan kasama ang
Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





