Ebanghelyo: Lucas 19:41-44
Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
Pagninilay
Halos wala tayong alam sa buhay ni Jesus na Siya ay umiyak. Ang pag-iyak ay tanda ng kahinaan ng loob, ng takot at kawalan ng pagasa. “Sabi ni Jesus, Diyos siya. Ay bakit umiiyak?” Tama! Si Jesus ay Diyos, pero sa pagkakatawang-tao niyakap Niya pati kahinaan ng tao maliban sa pagkakasala. Kaya umiyak din si Jesus. Ito ay iyak ng awa sa mga Judio, iyak ng panghihinayang sa lumampas na pagkakataon at iyak ng kalungkutan. Walang nagmamahal na hindi umiyak kahit minsan, pagkat ang iyak ay galing sa puso na nasasaktan kung nakikita na ang minamahal ay nagdaranas ng paghihirap.
Kaya si Jesus ay nalulungkot sa tuwing tayo ay nagkakasala. Naaawa sa atin na matitigas ang ulo at pinaiiral ang sariling alam kunyari ay matalino ngunit kayabangan lang ang naghahari sa pagkatao. Ayaw din nating umiyak o makitang umiiyak dahil ayaw nating lumabas na mahina. Sa ganyang diwa hindi pa rin lubos ang ating pagmamahal. Nangingibabaw pa rin ang takot na bumaba ang self-image sa harap ng mga tao. Hindi pa rin tunay na nagmamahal pagkat ang iniisip ay ang sarili sa halip na kagalingan ng iba. Matuto nawa tayong tumulad kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022