Ebanghelyo: Lucas 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Pagninilay
“Pagtanggap sa Panginoon.” Kalimitang katangian ng isang Pilipino ang pagiging magiliw sa pagtanggap sa mga bisita (hospitality). Inilalabas natin ang mga magaganda nating kagamitan at ibinibigay sa bisita ang anumang kanilang kailangan sa abot ng ating makakaya. Inaasikaso natin sila sapagkat ayaw nating mapapahiya tayo sa kanila. Sa Mabuting Balita, natatangi ang naging bisita ni Zaqueo sapagkat ang Panginoong Jesus mismo ang nagnais na tumuloy sa kanyang bahay. Nagbunga ang pagdalaw na ito sa pagbabago ni Zaqueo nang siya ay magpasya na magbayad-puri sa kanyang mga naging kasalanan bilang maniningil ng buwis. Sa ating sariling sitwasyon, paano ba natin tinatanggap si Jesus sa ating buhay? Sa paanong paraan natin pinaghahandaan ang kanyang pagdating? Ano ang nagiging bunga ng kanyang presensya sa atin? Nagiging mainit ba ang ating pagtanggap sa kanya? O winawalang bahala lamang natin ang presensya niya? Nawa ang ating paghahanda at pagtanggap sa kanya ay hindi manatiling panlabas o lip-service lamang. Sa halip, ito nawa ay maging bukal sa ating puso na kalakip ang ating buong sarili nang sa gayon ay magbunga ito tungo sa pagbabagong buhay ayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





