Ebanghelyo: Lucas 19:41-44
Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
Pagninilay
Mula noon hanggang ngayon, patuloy na kumakatok sa pintuan ng ating mga puso at ng kanyang Simbahan ang Panginoon. Nakita ni Jesus ang lungsod ng Jerusalem at umiyak siya dahil nakasara na ang kanilang mga pintuan. Natatakot sila sa kanyang mga maaaring gawin at ayaw na nilang magambala pa ang kanilang buhay at ‘di na nila kinakailangan pa ang Panginoon. Gayun pa man, patuloy Siyang dumadalaw sa atin sa paraang‘di natin inaasahan. Nawa’y maging bukas ang pintuan ng ating puso at pakinggan natin ang sigaw ng bayang naghahangad sa kalayaan at hustiya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020