Ebanghelyo: Lucas 19:45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat: ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Pagninilay
Nakakahabag ang mga pangyayari kung saan ang simbahan ay nilapastangan ng mga taong walang Diyos. Ngunit higit na nakalulungkot kapag ito’y ginawa ng mga Kristiyano mismo dahil ipinapakita nila ang kawalang takot sa Panginoon na kanilang sinasamba. Nakakalimutan nila na tayo’y templo ng Diyos at dapat lamang galangin natin ang ating sarili at ang ating kapwa tao. Sa oras na nagiging kalakal lamang ang tingin natin sa ating kapwa, ang tunay na diwa ng ating pagkatao bilang handog ng Diyos ay nawawala. Nawa’y tandaan natin ang kabanalan ng bawat templo, higit sa lahat ang ating kabanalan bilang templo ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020