Ebanghelyo: Lucas 23:35-43
Naroon ang mga tao na nakatingin. Pinagtatawanan naman siya ng mga pinuno: “Nailigtas niya ang iba, iligtas din niya ngayon ang kanyang sarili kung siya ang Kristo, ang Hinirang.”
Pinagtawanan din siya ng mga sundalong lumapit para painumin siya ng alak na may halong suka. Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ngayon ang iyong sarili.” May nakasulat nga sa wikang Griyego, Latin at Hebreo sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.”
Ininsulto rin siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Di ba’t ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili pati kami.” Pero pinagsabihan ito ng isa pang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang dinaranas? At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang masama.” At sinabi pa niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo: sa araw ring ito, makakasama kita sa Paraiso.”
Pagninilay
May mga sorpresa sa Ebanghelyong ito. Si Pilato na siyang nagpapatay kay Jesus ang nag deklara na si Jesus ay hari ng mga Judio. Nais ng mga punong pari na palitan iyon pero hindi siya pumayag. Sino ang nakapagsabi na ang unang magiging santo, bunga ng pagkamatay ni Jesus ay walang iba kundi isang makasalanan? At sino ang nagdeklara na siya ay mapapasa langit? Si Jesus mismo noong sinabi Niya sa magnanakaw na sa araw ring iyon makakasama Niya siya sa Paraiso.
Ano ang ipinakikita nito? Walang iba kundi ang katotohanan na hangga’t may buhay ang kagandahangloob at pagmamahal ng Diyos ay iniaabot hanggang sa huling hininga. Kailangan nga lamang ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob na gawin ang sinasabi ng puso.
Akala ng mga kawal at ng mga pinuno na sila ang makapangyarihan kaya tinukso pa nila si Jesus na maging mapagmataas. Tinalo sila ni Jesus sapagkat hindi Niya sinunod ang kanilang kagustuhan.
Sa katapus-tapusan, sino ang nagwagi? Si Jesus, sapagkat ang kamatayan na kinatatakutan ng lahat ang nagdala sa Kanya sa paraiso, ang kaganapan ng lahat ng tao, kapiling ang Diyos. Bukod sa rito nagsama pa Siya ng hindi inaasahan bilang karapat-dapat: ang isang kriminal at makasalanan.
Tayo rin ay makasalanan. Pero hindi ito hadlang sa pagpasok sa langit. Sa halip, sa pag-amin natin nito, paghingi ng awa at pagbabagong- buhay ay katuwaan nawa ni Jesus na tanggapin tayo sa langit, at buong pagmamahal at pasasalamat na ipagbubunyi naman natin Siya bilang ating Hari.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





