Ebanghelyo: Lucas 20:27-40
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang-buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.” Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.
Pagninilay
“Spiritual legacy” Pinag-usapan sa ating Mabuting Balita ang tungkulin ng kapatid na lalaki na pakasalan ang naiwang balo ng kanyang namatay na kapatid. Maaaring kakaiba sa ating pandinig ang tradisyong ito subalit magandang maunawaan na sa kultura ng mga Judio napakahalaga ng pagpapatuloy ng isang angkan sa pamamagitan ng mga anak. Kung kaya nga, nagkaroon ng tuntuning nabanggit upang ang angkan at pangalan ng yumaong kapatid ay magpatuloy. Ito ay pumapatungkol sa pag-iiwan ng isang legacy sa mundong ito. Subalit sinabi ni Jesus bilang tugon sa tanong ng mga Saduseo na ang lalaki’t babaing karapatdapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Ito ay sapagkat ang kanilang legacy ay hindi na nakaugnay sa mga bagay na makalupa kundi sa mga bagay na na maka-langit, mga maituturing na spiritual legacy. Halimbawa nito ay ang pagbabahagi ng pananampalataya sa kapwa o kaya naman ay ang pagbibigay ng mabuting halimbawang hindi malilimutan ng makakita nito. Magandang suriin natin ang buhay: Masasabi ba nating may
maiiwan na tayong spiritual legacy sa mundong ito?
© Copyright Pang Araw-araw 2025





