Ebanghelyo: Mateo 8:5-11
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”
Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at Pagbubunyag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”
Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.
Pagninilay
Maraming sundalo at kanilang mga opisyal ang aking nakilala at naging mga kaibigan. Humanga ako sa isang opisyal na kahit hindi siya Katoliko ay lumapit siya sa akin upang hilinging magmisa ako sa kanilang kampo sa Bagong Taon. Dagdag pa niya, “dahil bagong taon, padre, at hindi ko alam kung saan ako magsisimba rito, kaya marapat na makisalo na lang ako sa inyong pagdiriwang ng misa.” Sa ating ebanghelyo, isang kapitan ang nagsabi kay Jesus tungkol sa kanyang kapangyarihan sa kanyang mga tauhan, ngunit wala siyang kakayahan na pagalingin ang kanyang alipin. Dahil dito, naniniwala siya na si Jesus lamang ang makakagawa nito at ang mga salita lamang ni Jesus ay sapat na upang mapagaling ang kanyang lingkod. Gaano ba kalaki ang pagtitiwala na mayroon tayo sa Panginoon?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021