Ebanghelyo: Lucas 17:7-10
Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin Niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya Niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin Niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.Pagninilay
Matapos nating magampanan ang isang bagay, madalas tayong umasa na may naghihintay itong kapalit, papuri man o gantimpala. Lakas, talento, salapi at panahon ang madalas nating puhunan sa isang proyekto o gawain. At kung namuhunan, umaasa tayo na may kita. Lagi nating hinahanap kung ano ang ating mapapala. Ganito rin ba ang inaasahan natin sa Kristiyanong paglilingkod? Minsan tina – tanong ng marami “Ano ang aking mapapala sa mga gawaing pangkomunidad?” Subalit hindi ba’t ang tunay na paglilingkod ay walang inaasahang kabayaran? Matapos nating gampanan ang ating mga gawain, marapat lang nating sabihin: “Mga karaniwang utusan kami, ginawa lang namin ang dapat naming gawin.© Copyright Pang Araw-Araw 2019