Ebanghelyo: Lucas 21:5-19
May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa Kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi Niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit. Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isa-isip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.Pagninilay
Patuloy na nagiging magulo at masalimuot ang mundo. Sa dinami-rami ng karahasan, digmaan, kawalang katarungan at iba’t-ibang uri ng gawaing lumilikha ng kultura ng kamatayan, naitatanong natin: Ano na nga ba’ng nangyari sa ating mundo? Unti-unti na nga bang nawawalan ng puwang ang Diyos sa ating mundo? Ito ang nananatiling hamon sa ating lahat, ang maging saksi at magpatotoo kay Kristo. Lumikha tayo ng kultura ng pag-ibig at pagkalinga sa kabila ng kultura ng galit at kawalang pakialam na likha ng tao. Papangibabawin natin ang kultura ng katarungan at kapayapaan sa gitna ng kultura ng karahasan at hindi pagkakaunawaan likha ng kawalang-galang sa kabanalan ng buhay ng tao. Totoo ang banta at panganib ng kultura ng kadiliman. Gaya ng habilin ng Ebanghelyo, “Magpakatatag!”© Copyright Pang Araw-Araw 2019