Ebanghelyo: Lc 9: 51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila? Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
Pagninilay
Ang bawat isa sa atin ay may kapangyarihan. Marahil ang pagkakaiba ay nasa lawak at dami ng nasasakupan nito. Ang kapangyarihan ng magulang sa anak, ang kapangyarihan ng nakakatanda na anak sa kapatid, ang kapangyarihan ng may-ari ng kompanya sa empleyado, at ang kapangyarihan ng namumuno sa mga tao sa komunidad. Ang lahat ng kapangyarihan ay may pagkakatulad – ito ay para maglingkod lalo na sa mga nangangailangan. Ang sino mang may kapangyarihan ay dapat gamitin ito sa paglilingkod at hindi sa pansariling kapakanan lamang. Kapag ang kapangyarihan ay natabunan ng emosyon at hindi ng misyon, tila nalilihis ito ng direksyon, gaya ng nais nina Jaime at Juan sa bayan na di tumanggap sa kanila. Sikapin nating nakatuon ang ating mga gawain sa misyon na tinatahak natin. Nawa’y ang Panginoong Jesus ang siya nating maging gabay sa tamang paghawak ng kapangyarihan. Gamitin natin ito sa paglilingkod sa mga higit na nangangailangan.
© Copyright Pang Araw-Araw





