Ebanghelyo: Lucas 9:57-62
Habang naglalakad sila, may nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “May lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon; ang Anak ng Tao nama’y wala man
lang mahiligan ng kanyang ulo.” At sinabi naman niya sa isa: “Sumunod ka sa akin.” Sumagot naman ito: “Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama.” Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay; humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos.” Sinabi naman ng isa pa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon pero pauwiin mo muna ako para makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran.”
Pagninilay
“Opo, Susunod ako sa Iyo.” Ang pamumuhay ng isang kristiyano na nakatuon sa pagsunod kay Jesus ay hindi kailanman madali. Sa katunayan, kinakailangan na isuko natin ang lahat ng ating sarili at italaga ang ating mga pagsisikap sa pagpapalaganap ng banal ng Mabuting Balita ng Panginoon. Nasasabi nating napakahirap dahil maaaring nabubuhay tayo sa makamundong pagmumuhay at pagpapahalaga na hindi mahalaga sa paningin ng Diyos. Madalas nating sabihin na gusto nating sundin ang mga yapak ni Jesus, nang hindi natin tunay na nauunawaan ang mas malalim na kahulugan ng gayong mga pangako. At ito ay nangangailangan ng hindi natitinag na pananampalataya at hindi natitinag na pangako na ilagay ang Diyos una sa lahat, bago ang ating sarili. Inaanyayahan tayo na maging mapagkumbaba, sumunod nang lubusan sa kalooban ng Diyos at maging handa, walang takot, determinado, at handang tuparin ang anumang gawaing ipinagagawa sa atin ng Diyos. Nawa ay kahit ano pa man ang kanyang hilingin sa atin, ay maging malakas ang loob natin na sumagot ng “Opo, Susunod ako sa Iyo saan ka man pumunta.” Ayon sa diwa ng sinodo at bunga ng paalala sa atin ng Santo Papa, ang Espiritu Santo ay siyang naguudyok sa atin upang sumunod sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025