Ebanghelyo: Lucas 10:17-24
Tuwang-tuwang nagbalik ang Pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” Sinabi naman ni Jesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
Pagninilay
“Ang pangalan ay isusulat sa langit.” Sa ating Mabuting Balita, napuspos ng kagalakan ang mga alagad, matapos ang kanilang matagumpay na misyon. At sinabi sa kanila ni Jesus ang dahilan ng kanilang kagalakan ay ang katotohanan na ang kanilang mga pangalan ay nakasulat sa langit. Ito ang pinakamahalagang gantimpala na matatanggap natin sa pagtupad sa misyon ng Diyos. Samakatuwid, ang anumang aksyon na ating gagawin ay maituturing lamang na isang tunay na tagumpay kung ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Gaya ng mga alagad, inaanyayahan tayo na maging masaya kapag naglilingkod tayo sa Diyos at tumutulong sa iba. Nakikita ng Diyos ang lahat ng ating ginagawa, magtagumpay man tayo o mabigo, at alam niya kung gaano tayo nagsisikap. Kaya lagi nating hilingin sa Diyos na bigyan tayo ng lakas at pagtitiwala na kailangan natin. Maging masaya tayo dahil bahagi tayo ng misyon ng Diyos at ipakita natin ang ating pananampalataya sa iba’t ibang paraan. Sa huli, ituturing tayong pinagpala at ang ating mga pangalan ay isusulat sa langit. Sa diwa ng “synodality”, sinasabi na “ang sino mang tumanggap sa katawan at dugo ni Jesus ay tagapagbahagi ng kagalakan na kanyang dapat ibahagi sa iba.” (rf. International Theological Commission, Synodality in the life and Mission of the Church, no. 109.e)
© Copyright Pang Araw-araw 2025




