Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.”
Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Pagninilay
Ano ang kahulugan ng mga sinabi ni Jesus kay Marta? Tiyak na hindi ang pakikinig ay mas mahusay kaysa sa paggawa, sapagkat sa buong Ebanghelyo iginiit ni Jesus na ang pakikinig nang walang ginagawa ay walang halaga. Malumanay niyang pinasabihan si Marta tungkol sa labis na pagiging abala at pagkabahala tungkol sa napakaraming mga bagay na nakakalimutan na niya kung ano ang talagang mas mahalaga. Nabubuhay tayo sa isang mundo na laging napakaraming pinagkakaabalahan. Hilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng malinaw na pagpapasya sa ating sariling pamumuhay, upang malaman natin kung paano pipiliin ang mas mahusay na bahagi na akma para sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021