Ebanghelyo: Lucas 17:5-10
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito. Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-naloob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa
inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang
dapat naming gawin’.”
Pagninilay
“Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Ang pananampalataya ay isang regalo mula sa Diyos na tumutulong sa atin na tunay na makilala Siya, maunawaan ang katotohanan na Kanyang itinuro at mamuhay sa Kanyang pag-ibig. Ito ay malayang ibinibigay sa ating lahat. Ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Panginoon ay nagpapahintulot sa atin na malampasan ang mga hadlang at sundin ang Kanyang kalooban. Ang ating pananampalatayang ito ang siyang magbibigay sa atin, upang tayo ay makarating sa kanyang kaharian. Minsan nararanasan natin ang mga pagkakataong tila napakabigat ng ating mga problema, ngunit ang ating malalim at tapat na pananampalataya sa Panginoon ang siyang tutulong
sa atin na malampasan ang bawat trahedya o pagsubok na ating nararanasan. Bagama’t pakiramdam natin ay wala tayong kakayahan sa ating sarili, lahat ay posible para sa mga naniniwala sa kapangyarihan ng
Diyos. Bilang mga tagasunod ni Kristo, pinapaalalahanan tayo na mamuhay bilang mga tunay na lingkod tulad ni Jesus. Ganun din ang mga tunay na nagmamahal sa Diyos ay nagmamahal din sa kanilang kapwa at nagpapakita ng sakripisyo, di-makasarili, at bukas-palad na pag-ibig. Ito ang hamon sa atin ng Mabuting Balita – ang magtiwala sa Diyos at hayaang gumana ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay habang patuloy tayong naglilingkod nang may tunay na pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




