Ebanghelyo: Lucas 11:5-13
Sinabi rin sa kanila ni Jesus: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya.
Pagninilay
“Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok.
“Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”
Ano ang ating karanasan? Humingi tayo pero iba ang ibinigay, o hindi kaagad-agad o talagang walang ibinigay. Naghahanap pero iba ang nakita o hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang hinahanap. Kumatok pero iba ang nagbukas, o hanggang ngayon ay naghihintay pa rin na buksan at hindi alam kung kailan bubuksan o kung bubuksan ba talaga!
Nakakapagod, nakakainip, nakakawalang- gana, nakakayamot!
Meron kasing hindi natin hinihiling samantalang iyon talaga ang dapat nating hilingin. Ano iyon? Sabi ni Jesus: “Tiyak na ibibigay Niya ang Banal na Espiritu sa mga hihingi sa Kanya.” Tiyak yon! Ang Espiritu Santo ang magtuturo kung ano ang hihilingin sapagkat hindi lahat ng ating hinihingi ay makabubuti; kung dapat hilingin o hindi; kung kailan hihingi. Ituturo Niya na ang ibinigay ay hindi ang hiningi dahil mas mabuti iyon. At higit sa lahat, sa pananahan sa atin ng Espiritu Santo, nasa atin na ang Diyos. Panginoon, salamat po sa pagbibigay Mo ng Iyong sarili. Maghari Ka sa amin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022