Ebanghelyo: Lucas 10:25-37
May tumindig na isang guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito
naiintindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya ni Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kayat lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko’.” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
Pagninilay
“Sino ang ating kapwa?” Katulad ng tanung ng dalubhasa sa Mabuting Balita, “sinu nga ba ang itinuturing nating kapwa?” Sino nga ba ang dapat nating tulungan? Ang ating pamilya lang ba? Ang mga taong malapit lang
ba sa ating buhay at hindi ang mga hindi natin kakilala? Ang kabilang lang ba sa ating simbahan at hindi ang mga ibang sekta? Sinasabi sa Ebanghelyo na ang pagtulong sa kapwa ay bukas sa lahat. Dahil ang pagkilala sa dakilang pagmamahal ng Diyos ay pagbubukas din ng ating puso para sa lahat ng tao. Hindi sukatan ang ating relasyon o ang pagkakilala sa tao para tayo ay tumulong. Ang sukatan ay ang kabukasan ng ating puso sa iba dahil tayo rin ay nakaranas na mahalin ng Diyos sa kabila ng ating kahinaan. Ibig sabihin, walang tinatangi at pinipili ang pagtingin natin sa iba. Paanyaya ng
Ebanghelyo na maging bukas ang ating puso sa lahat ng tao, lalo’t higit sa mga nangangailangang pisikal at espirituwal. Sabi nga ni San Bruno “Sa ating paggawa, maipapakita natin kung anu angating minamahal”. At kung ang Panginoon ang pangunahing minamahal natin, hindi tayo magdadalwang isip na tumulong sa iba.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




