Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Pagninilay
“Magbalik-loob sa Panginoon.” Hindi ba tayo nababagabag sa mga nangyayari sa mundo? Dumaan ang napakahabang pagsubok sa buong mundo dahil sa pandemya. Maraming bansa ang ang nasa gitna ng digmaan. At maraming trahedya ang nararanasan dulot ng iba’t-ibang kalamidad sa maraming lugar. Habang tumatagal ay parang gumugulo at humihirap ang sitwasyon sa mundo. O kaya naman, hindi ba tayo nababagabag sa ating mga pinagdaraanan sa buhay? Hindi ba tayo nahihirapang pasanin ang pagsubok ng buhay? Salamat na lamang na pinaaalalahanan tayo ni propeta Jonas na sa kabila ng mga pagsubok natin sa buhay ay dapat mas lalo tayong kumapit sa Panginoon. Katulad ng mga taga- Ninive, magbalik-loob sa Panginoon, humingi ng tawad sa ating
mga pagkakasala at pagkukulang. Dahil ang Diyos ay laging handang magpatawad sa ating mga nagawang kasalanan at handang tumulong upang pagaanin ang ating mga pasanin sa buhay. Dahil kung minsan, nadadala tayo ng problema at mga gawain sa ating buhay katulad ni Marta sa Ebanghelyo at nakakalimutan natin ang pinakamahalaga, ang magbigay ng oras sa Diyos, magpasalamat, humingi ng tawad at ipagpasaDiyos ang ating mga problema sa buhay. Ayon sa ulat ng sinodo noong nakaraang mga taon, maraming mga problema ang nahayag. Ngunit, kahit hindi ang lahat ng mga ito ay natugunan, umaasa tayo na patuloy na pagninilayan at paguusapan sa isyung ito sa nangyayaring sinodo, 2024 (rf. XVI Ordinary General Assembly of the Synod of Bishops, A Synodal Church in Mission, 1.i)
© Copyright Pang Araw-araw 2025





