Ebanghelyo: Lucas 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangangkailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pagninilay
“Ang buhay panalangin.” Mahalaga ang hangin sa buhay nating mga tao. Kapag nawala ang hangin, hindi tayo maaaring mabuhay. Ang hangin ay kinikilala natin bilang pangangailangan na hindi pwedeng mawala sa buhay ng tao. Ganun din kaya sa hangin ang ating pagkilala sa halaga ng
buhay panalangin na hindi rin dapat maaaring mawala sa buhay natin? Nakakaya ba nating lumipas ang maghapon na hindi tayo nagpapasalamat sa Diyos? Dahil kung meron man na patuloy na mag-uugnay sa atin sa Diyos, ito ay walang iba kundi ang ating buhay panalangin. Kung ang hangin ang siyang buhay ng katawan, ang pananalangin naman ang siyang
bumubuhay sa ating espirituwal na pamumuhay. Kaya kung aalisin natin ang buhay panalangin, parang pinuputol din natin ang ating ugnayan sa Diyos. Bagaman kung minsan ay mahirap ang magdasal at mahirap humarap sa Diyos. Pero sana ay pagsumikapan natin huwag lumipas ang isang araw na hindi tayo nanalangin. Hindi kinakailangang mahaba, ang mahalaga ay ang ating pag lapi na may kababaang-loob, tapat at may dalisay na puso. Katulad ng panalangin na itinuro ni Jesus sa kanyang mga alagad, ang “Ama namin”. Hindi mahaba pero may katapatan at mula sa puso ang nilalaman.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





