Ebanghelyo: Lucas 11:27-28
Habang nagsasalita pa siya, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”
Pagninilay
“Iba magmahal ang Ina.” Araw ngayon ng Mahal na Birheng Maria ang huwaran ng Pananampalataya sa lahat ng sumusunod at nagmamahal kay Kristo. May mahalagang papel ang Mahal na Birhen sa pananalig kay Jesus na kanyang Anak. Ito ay kung paano ibinigay ni Maria ang kanyang “Oo” sa Diyos. Tunay, iba magmahal ang Ina at iba rin ang kayang gawin para sa kanyang mga anak sa ngalan ng pag-ibig. Kaya naman hinahamon tayo ng Mabuting Balita na kung gusto natin maging mapalad tulad ni Maria matuto tayong magmahal at maniwala tulad niya. Walang talo sa taong naniniwala at nagtitiwala. Walang talo sa taong nagmamahal. Maging buo nawa ang pagmamahal at paniniwala natin kay Jesus na tunay na nagmamahal sa atin sa kabila ng ating kahinaan. Sa huli, huwag natin
kalilimutan lumapit kay Maria at siguradong sasamahan niya tayo na manalangin sa kanyang Anak na si Jesus upang tayo ay maging mapalad dahil pagmamahal at pananampalataya ang naghahari sa ating buhay. Ipagkatiwala natin ang bunga ng sinodo at katuruan ng Santo Papa, sa maka-inang pagmamahal ng Mahal na Birheng Maria, ang tunay na tanda ng pag-asa at paggabay sa sambayanan ng Diyos. Totoo nga na tayo ay mga
manglalakbay na puno ng pag-asa (Pilgrims of hope)
© Copyright Pang Araw-araw 2025





