Ebanghelyo: Lucas 12:54-59
Sinabi rin ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito?
At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Pagninilay
Mayroon akong isang kaibigan na Kapitan ng Baranggay, aniya, “Salamat sa Diyos at sa dami kong hinawakang kaso ay nalutas din lahat.” Sinagot ko siya, “mapalad ang mga nagtatrabaho sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos” (Mateo 5:9). Pagkatapos noon ay binati ko siya. Kung tatanungin natin si Jesus, hindi na dapat humantong sa pagsusumbong sa Baranggay ang ano mang alitan. Ninanais ng ating Panginoon na ayusin na natin ang ano mang gusot na tayo-tayo lamang. Hindi maiiwasang may mga taong magagalit talaga sa atin. Maraming beses ko na itong naranasan, baka ikaw din. Yung iba nilalagay pa nila sa Facebook! Alalahanin natin na tayo ay mga lingkod ng kapayapaan, bakit di nating subuking kausapin ang mga taong iyon? Hindi ito madali, kaya dapat samahan natin ng panalangin. Napatunayan na kung gaano kabisa ang pamamaraan ni Kristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021