Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
“Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahatihati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban
sa biyenang babae.”
Pagninilay
“Pagsunod sa kalooban ng Diyos.” Nakapanghihilakbot ang mga katagang binitawan ng ating Panginoon sa Mabuting Balita subalit ang mga katagang yaon ay hindi ng pagsumpa kundi ng pagibig. Totoo na darating ang mga pagkakataon ng pag-aawayan, hindi pagkakasundo at kaguluhan, subalit ang mga gayong pagkakataon ay dumarating hindi upang tayo’y maghinawa kundi upang tayo ay mas lalong umasa sa pag-ibig na ibinibigay sa atin ng Diyos. Pag-ibig na pinapapapagalab niya sa buong daigdig. Ang buhay at ang pagsunod sa kalooban ng Panginoon ay hindi
madali, palaging darating ang mga sandali kung kailan tila gusto na
nating sumuko, bumitaw, at umayaw dahil sa sobrang kahirapan.
Nariyang darating din ang mga pagkakataon na tayo ay mawawalan ng gana, mawawalan ng sigla, at mga pagkakataon na parang walang kalasa-lasa ang buhay na parang ang pinaka madali nalang gawin ay ang sumuko. Ang mga pagkakataong iyon ay mga panahon ng kadiliman kung kalian mas lalo tayong dapat – bagaman tila mahirap – umasa sa kagandahang-loob ng Diyos na idinudulot ng kanyang Pag-ibig. Patuloy tayo sa paglalakbay na puno ng pag-asa (Pilgrims of
Hope!).
© Copyright Pang Araw-araw 2025