Ebanghelyo: Lucas 6:12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at mag-palipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos.
Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamaganak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagninilay
Bago pa ipanganak ang mga magiging apostol kilala at itinalaga na sila ng Diyos para sa ganitong misyon na maging kasama ni Jesus at pag-alis Niya, sila ang magpapatuloy ng pagpapahayag ng Mabuting Balita. Pero bakit kinakailangan pang manalangin si Jesus bago Niya gawin ang pagpili? Siya lamang ang tunay na nakakaalam ng dahilan. Pero ipinakikita rito ni Jesus ang kahalagahan ng pananalangin bago gumawa ng mabibigat na desisyon. Kung ginawa ito ni Jesus, tayo pa kaya? Diyos lamang ang nakakaalam ng pinakamabuti sa atin. Siya rin ang nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap. Hindi tayo ganun. Nabubulag tayo ng pansariling kapakinabangan kahit masagasaan pa ang iba. Sa paggabay ng Espiritu Santo nagliliwanag ang ating isip at napagtatanto kung ano ang tunay na mabuti at masama. Itinatama ang damdamin ng ating puso upang ikaligaya ang mabuti at ikalungkot ang masama. At binibigyan tayo ng matatag na paninindigan upang huwag magpadala sa tukso ng demonyo at sabi-sabi ng mga tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022