Ebanghelyo: Lucas 13:31-35
Nang sandaling iyo’y dumating ang ilang Pariseo at binalaan siya: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kang ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan ninyo ang musang na ’yon at sabihin sa kanya:
‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko.’ Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, iiwanan ang inyong Bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi na ninyo ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin ninyo: Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.”
Pagninilay
“Tinanggihan nila ang kagandahang-loob ng Diyos” Maraming mga propeta at sugo ang Diyos na ipinadala sa mga Israelita mula pa noong sila ay pinili. Ang misyon ng mga propeta ay upang ipahayag sa mga Israelita ang mensahe ng pagliligtas mula sa Diyos. Sapagkat mula sa kanilang pagkakasala, ang Diyos pa rin ang lumalapit upang sila ay iligtas at ilayo sa kasalanan. Ngunit hindi nila tinanggap ang mga propeta at sukdulang kanilang pinatay. Ang kabutihang-loob ng Diyos ay di kailanman nagkulang upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan at anyayahan na manatili
sa kanyang pag-ibig. Napakagandang imahe ang ipinakita sa atin ng Mabuting Balita, kung saan inihalintulad ni Jesus ang kabutihang-loob ng Diyos sa isang inahing manok na palaging tinitipon ang kanyang mga sisiw.
Subalit patuloy na tinatanggihan ng mga Judio ang kagandahangloob na ito ng Diyos. Nawa, huwag nating balewalain ang mga pagkakataon kung saan
nagpapadala ang Diyos ng mga tao o pangyayari sa atin upang madama ang Kanyang pag-ibig. Huwag nating tanggihan ang pagmamalasakit sa atin ng Diyos upang tayo ay madala Niya sa ating ikabubuti. Walang ibang hangad ang Diyos kundi ang tayo ay iligtas mula sa ating mga kasalanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





