Ebanghelyo: Marcos 6:53-56
Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nilang ipinamalita ito sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
Ang mga maysakit ay isa sa mga grupo na pinakabukas kay Jesus. Ang mga wasak sa katawan, isipan, at sa kanilang kaluluwa ay hangad na makatagpo ng kagalingan sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, na kumikilos sa pamamagitan ni Jesus. Para sa maraming tao, ang landas patungo sa Panginoon ay madalas dahil sa ating pagkasira o brokenness. Sa ating pagkasira ay nakikilala natin ang kahirapan at pangangailangan natin para sa “isang dumating” bilang lakas sa ating kahinaan, buhay sa ating kamatayan, at liwanag sa ating kadiliman. Sa Ebanghelyo, nakita natin na gustong hawakan ng maysakit ang laylayan ng balabal ng Panginoon; tunay na hindi lamang nila hangad ang personal na pakikipag-ugnayan kay Jesus. Madalas ay naaalala lang natin na mayroong Diyos kung kailangan natin Siya. Si Jesus ay Panginoon natin sa lahat ng oras at panahon, hindi lamang sa oras ng pighati at oras ng ligaya. Kaya naman, may pinagdadaanan man tayo o wala, desperado man o hindi, tayo’y lumapit kay Jesus. Ito ay dahil nagtitiwala tayo na anuman ang mangyari sa atin, naririyan Siya at handa tayong damayan sa anumang pagsubok na kinakaharap natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




