Ebanghelyo: Marcos 7:31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapag salita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay.
Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa langit, nagbuntung hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sa bihi’y “Buksan”. Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang naka buhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid.
Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at naka pagsasalita ang pipi.”
Pagninilay
Patuloy ang ginagawang ministeryo ng pagpapagaling ni Jesus. Nabuksan ang tainga at bibig ng isang bingi at pipi dahil sa nakagagaling niyang kapangyarihan. Ito ay nagpapakita ng pagdating ng Diyos sa mundo kung saan ang mga pipi ay mangagsisiawit sa galak. Sa ministeryo ni Jesus, naranasan ng mga tao ang presensya ng Diyos na nagdadala ng kapayapaan, kaayusan at kagalakan. Si Jesus ang sakramento ng Diyos. Siya ang mukha ng awa at pagmamahal ng Diyos dito sa sanlibutan. Malugod na tinatanggap ng Diyos ang mga maysakit sa paghipo ni Jesus sa kanila. Tunay na malapit ang Diyos sa atin. Ang nakagagaling na ministeryo ni Jesus ay patuloy ngayon sa mga sakramento gaya ng Pagpapahid ng Langis sa maysakit. Dalhin natin ang mga kapatid nating maysakit sa sakramentong ito. Ayon pa kay Apostol Santiago, kung may mga sakit, tawagin ang pari upang mapahiran ng langis at maipagdasal ng komunidad. Tumawag tayo sa Panginoon na nawa’y hipuin ng kanyang nakagagaling na mga kamay ang mga karamdaman ng ating katawan at puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023