Ebanghelyo: Marco 7:24-30
Pagkaalis sa lugar na iyon, lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak. Sinabi naman ni Jesus sa kanya: “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.
Pagninilay
Lumapit kay Jesus ang isang hindi Hudyo, isang babaeng taga-Sirofenicia, na mula sa isang lupain na labas sa saklaw ng mga Hudyo. Kaya naman kung titingnan natin ang diyalogo sa pagitan ni Jesus at ng babae, sinabi ni Jesus ang mga salitang: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Hindi ito panglalait sa panig ni Jesus, kundi sinasabi Niya ang katotohanan ng kultura ng mga tao sa panahong iyon. Bilang Hentil, ang babae ay inaasahang hahamakin, tatanggihan, at hindi papansinin ng isang itinuturing na “mabuting Hudyo” ayon sa kanilang batas. Pero tulad nang ginawa ni Jesus sa mga nakaraang kuwento sa Ebanghelyo, laging una sa kaniyang kamalayan ang pagtulong sa kapwa, kahit sila ay nasa labas ng Kaniyang lahi. Hindi nakabatay ang paggawa ng kabutihan sa aspeto gaya ng lahi, wika, o relihiyon. Kaya sa panahon na mayroong mga sakuna gaya ng bagyo, lindol, o baha, ang Simbahan ay laging bukas sa pagtulong sa lahat. Hindi tayo namimili ng mga taong pinapapasok sa Simbahan. Lahat ay malugod nating tinatanggap. Gayundin naman, magandang tularan ang halimbawa ng babaeng Hentil. Siya’y puno ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, kahit batid niyang posible siyang tanggihan ni Jesus. Ang halimbawa ng babae ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na maging tapat kay Jesus, lalo na sa mga panahong tila sinusubok ang ating pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




