Ebanghelyo: Marcos 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntunghininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
Pagninilay
Ang taong may duda ay madalas naghahanap ng patunay upang sila’y maniwala. Isa itong gawain ng mga walang pagtitiwala. Mahirap para sa mga pariseo ang tanggapin si Jesus. Kung kaya’t parati silang nagbabalak siluin siya sa pamamagitan ng paghingi ng tanda mula sa langit. Hindi sila binigyan ni Jesus ng anumang tanda sapagkat batid nya ang kanilang pakay. Hindi na kinakailangang magbigay ng tanda si Jesus sapagkat marami ng himala ang kanyang ginawa gaya ng pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas ng demonyo. Ginawa niyang lahat ito para sa mga taong may pananampalataya at pananalig sa kanya. Ngunit hindi ito nakita ng mga pariseo. Nabulag sila ng kanilang pagdududa at kawalang tiwala. Kumikilos ang Panginoon sa ating buhay sa maraming paraan. Kailangan nating buksan ang ating mga mata sa pananampalataya upang makita ang mga gawa ng Diyos sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023