Ebanghelyo: Lc 9: 22-25
Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punongpari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.” Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng kanyang sarili alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?
Pagninilay
Kapansin-pansin ang turo ni Jesus ukol sa pagpapasan ng krus. Ito ay dapat ginagawa arawaraw. Kung susuriin ang panalanging “Ama namin,” ang hiling natin ay bigyan tayo ng “kakanin sa arawaraw.” Dahil araw-araw nga ang ating pagkain, dapat ay araw-araw din ang pagpapasan ng krus. Maraming Kristiyano ang umaayaw sa krus. Ang nais nila ay maalwang buhay na malayo sa mga pagsubok at mga paghihirap. Gusto nilang makarating sa tugatog ng tagumpay subalit ayaw magtiyagang umakyat sa hagdan ng sakripisyo at pagsisikap. There is no elevator to success. Kung tunay tayong Kristiyano, ang tatahakin natin ay ang daan ni Kristo at ang kanyang tinahak ay ang daan ng krus. Hindi marapat na dalhin ang pangalan ni Kristo kung hindi tayo nakahandang yakapin ang krus ng paghihirap. Ang tatak ng Kristiyano ay ang tatak ng krus. Ito ay tataglayin at isasabuhay araw-araw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024