Ebanghelyo: Marcos 8:34 —9:1
At tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, at sinabi: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng sarili alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo ang magliligtas nito.
Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? At pagkatapos ay ano ang maibibigay niya para mabawi ang kanyang sarili? Ang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa harap ng di-tapat at makasalanang lahing ito ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niyang taglay ang luwalhati ng kanyang Ama, kasama ng mga banal na anghel.”
At idinagdag ni Jesus: “Totoong sinasabi ko sa inyo na daranas ng kamatayan ang ilan sa mga naririto hanggang hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Pagninilay
“Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin.” Hindi madali at hindi lamang para sa labindalawa ang utos na ito ng Panginoon, kundi para sa ating lahat. Ang pagtanggi sa sarili ay ganap na kinakailangan kung nais ng isang tao na sundin siya, dahil hangga’t nananatili ang mga pansariling hi-naing, ang pagsunod ay magiging maligamgam, matamlay at hindi kumpleto. Walang ibang paraan sa ating pagsunod kay Kristo, kundi ang pagtanggi ng sarili. Walang shortcut nito.
Pero bago natin isipin na mahirap ito at imposibleng gawin, tingnan muna natin ang mga desisyon natin sa buhay. Batid ko, may mga pag-tatanggi ng sarili tayong nagawa na. Ang pagiging isang ina, ang malayo sa mahal mo para magtrabaho, ang mga panahon na inuuna mo ang iba, mga maliliit na pagtanggi ng sarili – nagawa na natin ito dati. Kailangan na lang natin itong tingnan sa mas malaking konteksto ng ating buhay. Hindi na banyaga sa atin ang pag-tanggi sa sarili.
Tandaan, hangga’t nauuna ang pansarili nating mga hinaing, mahi-hirapan tayo sa pagsunod kay Kristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022