Ebanghelyo: Mt 5: 20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
Hindi magkakasundo ang magkaaway kung walang mangungunang makipag-ayos. Ito ang nais bigyang-pansin ng ebanghelyo. Hindi naman literal na aalis sa templo para makipagkasundo at babalik sa templo pagkatapos. Ang gayong kilos ay hindi praktikal. Ang kailangan ay kababaangloob na mangunang makipagkasundo. Ang alitan, kung minsan, ay mababaw lamang ngunit lumalalim dahil sa kapalaluan. Maaari sanang naayos nang maaga habang hindi pa lumalala. Sa paglakad ng panahon ay tumitigas ang puso at nahihirapang humingi ng tawad o kaya ay magpatawad. Kung lahat sana ay mababang-koob, maiiwasan ang alitan. Kung sakaling may di pagkakaunawaan, kababaang-loob pa rin ang lulutas. Hindi na maghahari ang samaan ng loob. Tuluy-tuloy nang papasok sa bahay-dalanginan na may taglay na pusong mapayapa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024