Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
Ang Panalangin ng Panginoon, the Lord’s Prayer, o “Ama Namin” ay maituturing na bahagi o ang puso ng Sermon sa Bundok, kung saan ipinahayag ni Jesus and buod o summary ng buong Ebanghelyo. Sa panalanging ito, pumasok tayo sa pakikipag-isa sa Ama at kay Jesus. Sa pagdarasal ng panalanging ito, tinutulungan tayong maging mapagpakumbaba at magtiwala gaya ni Jesus. Sa Panalangin ng Panginoon, niluluwalhati natin ang Diyos at nagsusumamo para sa ating mga pangangailangan. Ito ay mayroong pitong petisyon: Ang unang tatlo ay hinarap sa Diyos at inilapit tayo sa Kanya para sa kanyang sariling kapakanan: ang Iyong pangalan, ang Iyong kaharian, ang Iyong kalooban! Ang huling apat naman ay may kinalaman sa atin at sa ating mga pangangailangan na tinutupad ng Ama: ibigay mo sa amin, patawarin mo kami, huwag mo kaming pangunahan, at iligtas kami. Sa Sermon sa Bundok, binibigyan tayo ni Jesus ng mga patnubay para sa panalangin. Binabalaan niya tayo na huwag mangusap nang walang katuturan at katapusan sa mga panalangin at binibigyan tayo ng Panalangin ng Panginoon bilang isang halimbawa ng wastong paggamit ng mga salita. Ang susi sa panalangin ay pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos at pagtitiwala sa pagibig ng Diyos. Binabalaan tayo ni Jesus na huwag gamitin ang panalangin bilang isang paraan ng paglalagay ng ating sarili kaysa sa iba, at nagmumungkahi na pinakamahusay na manalangin kapag tayo ay nasa likod ng mga saradong pinto at kapiling ang Diyos. Hindi natin magagamit ang mga panalangin upang pagtakpan ang masamang pamumuhay, at ang mabubuting gawa lamang ang dapat kasama ng ating mga panalangin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




