Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ipinapakita sa atin ang pinakamalayong lawak na dapat nating isabuhay kung tayo ay umiibig. Natural na nais nating ibigin ang mga tao na gusto lamang natin. Natural din na kamuhian at hindi natin pahalagahan ang mga tao na hindi natin gusto. Kaya may katuturan ang una nating narinig na pahayag: “Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway.” Ngunit nababatid natin na ang Panginoon ay hindi Panginoon ng pangkaraniwan. Our God is not a God of mediocrity. Hangad Niya na sikapin nating mag-exert ng effort or to go the extra mile. Ibig sabihin, para kay Jesus, hindi sapat na mga taong mahal lang natin ang pinapakitaan natin ng mabuti o iniibig. Higit sa kanila, sinasabi ni Jesus ang mahirap na pananagutan na mahalin din natin pati ang mga taong hindi natin gusto, o itinuturing tayong kaaway, o mga taong ninais na tayo ay masira o mapahamak. Totoo, mahirap ito gawin. Ang ganitong katuraan ay maaaring mukhang hindi makatotohanan. Ngunit pinakita sa atin ni Jesus kung paano ito gawin at ito’y hindi imposible. Kahit pa si Jesus ay inalipusta, niyurakan ang Kanyang dangal, at inalipusta habang nakabayubay sa Krus, Siya ay nagpakita ng pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga kaaway. Bilang mga anak ng Diyos, ito rin ang hamon sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





