Ebanghelyo: Lucas 5:33-39
Sinabi nila kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama
pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila magaayuno.” Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at
hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak
at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti’.”
Pagninilay
“Hindi pa panahon para mag-ayuno.” Sa mga malalaking relihiyon
sa mundo, may tatlong mahalagang elemento: buhay pananalangin/pagsamba, buhay pagmamalasakit/paglilimos, at buhay pag-aayuno/pagdisiplina. Napansin ng mga pariseo at eskriba na ang mga alagad ni Jesus ay hindi nag-aayuno bagkus madalas dumalo sa mga piging
ay pagsasalo tulad ng kasalan sa Kana sa Galilea. Kayat gusto nilang malaman ano ba ng turo ni Jesus tungkol sa pag-aayuno. Bahagi ng gawain ng mga Israelita habang hinhintay ang pagdating ng Mesiyas ay ang mag-ayuno. Sa kontekstong ito, ipinaliwanag ni Jesus na hindi pa panahon para
mag-ayuno dahil dumating na siya, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay. Ito ay panahon ng kasayahan tulad ng isang pista sa kasalan. Darating ang panahon na aalis ang Mesiyas dahil siya ay maghihirap, mamamatay, subalit muling mabubuhay. Siya ay aakyat sa langit at luluklok sa kanan ng Ama. Sa wakas ng panahon, siya ay babalik upang hatulan ang
sanlibutan. Sa panahong iyon, mag-aayuno ang kanyang mga alagad.
© Copyright Pang Araw-araw 2025