Ebanghelyo: Mc 7: 1-8, 14-15, 21-23
Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng mga kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang di muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at ping-gang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na “Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.” Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin – kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.
Pagninilay
Ano nga ba ang pangunahing halaga (core value) na kinakailangang pagtuunan ng panahon sa ating pakikipagtipan sa Diyos? Kung susuriing maigi ang Banal na Kasulatan, tanging si Jesus ang nagbigay linaw sa ganitong katanungan. Ayon sa Kanya, ang pagmamahal sa Diyos ng buo nating puso, isipan, kaluluwa, at kalooban, at ang pagmamahal sa kapwa na gaya ng pagmamahal sa sarili ang pinakabuod ng buhay bilang anak ng Diyos. Mukhang napakadaling maunawaan, ngunit ito ay napakahirap gawin. Sa buhay ng tao, ang pagmamahal ay napapatunayan hindi lamang sa salita maging sa gawa. Ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay hindi nasusukat sa dami ng sinasabing mga salita na puno ng pag-ibig. Ang kaganapan ng pagmamahal sa Diyos ay nasusukat sa pagtalima at sa pagtupad ng Kanyang kalooban at utos. Ito ay nangangailangan ng isang dalisay at walang dungis na puso ng tao, na siyang pamantayan ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Ang lahat ng magagandang salita, pag-awit, papuri at pagsamba sa Diyos, gaano man katindi ang damdaming pag-ibig na nararamdaman ng tao ay maituturing na serbisyo lamang ng labi (lip service) at walang silbi kung hindi tutuparin ang mga utos ng Diyos. Ito ang mensahe ni Jesus sa ebanghelyo. Ang tinitingnan ng Diyos ay ang puso ng tao na nagmamahal sa Kanya. Ang tunay na nagmamahal ay tumatalima at tumutupad ng tapat sa Kanyang kalooban.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




