Ebanghelyo: Lucas 4:38-44
Pag-alis niya sa sinagoga, nagpunta si Jesus sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila si Jesus tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan ni Jesus ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila. Paglubog ng araw, dinala naman kay Jesus ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagninilay
Madali namang malaman pag mabuti ang isang bagay at ang isa’y hindi, kung alin sa dalawa ang dapat mong piliin. Mas mahirap kapag mabuti ang dalawang pagpipilian. Manatili pa sa Capernaum kung saan marami pang maysakit na kailangang pagalingin, o pumunta sa ibang bayan para doon naman makapagpahayag ng Mabuting Balita? Sa dalawang mabuting gawain, pinili ni Jesus ang mas mabuti ayon sa kanyang misyon. Ang pang araw-araw na panalangin ang siyang ginawa ni Jesus para malaman kung paano Niya tutuparin ang kanyang misyon. Kadalasan sa dami ng ating ginagawa sa araw-araw, isinasantabi natin ang oras para magdasal. Masyado siguro tayong abala sa mga bagay ng mundo, na wala na tayong oras para manalangin at pagnilayan ang ating misyon. Sa matahimik na pananalangin, mapipili natin ang mas mabuti sa maraming magagandang pagpipilian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020