Ebanghelyo: Lc 4: 16-30*
Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Nagsalita si Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.”(…)
Pagninilay
Sa kasaysayan ng kaligtasan, mapapansin ang kakaibang pamamaraan ng Diyos sa pagpili ng mga tao para sa nais Niyang ipahayag o ipagawa. Madalas pumipili ang Diyos ng ordinaryo o pangkaraniwang tao upang gumawa ng pambihira at kakaibang kilos gaya ng mga himala. Halimbawa, sa sulat ni San Pablo sa mga taga Corinto, inaamin niya na hindi talaga siya magaling sa pananalita, at hindi rin niya ginamitan ng karunungan galing sa tao upang mahikayat ang mga nakikinig sa kanya. Mas mainam kay San Pablo na ang pagtanggap ng pananampalataya ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos, at hindi dahil sa katalinuhan at kagalingan ng mamamahayag. Ang pagiging pangkaraniwang tao ni Jesus, na siyang tunay na Anak ng Diyos, ang naging hadlang upang Siya ay lubos na pakinggan at paniwalaan ng mga taga Nazaret, kung saan Siya lumaki. Para sa kanila, kilala nila si Jesus at ang kanyang pamilya. Nalalaman nila ang kanyang pinanggalingan, kaya masyado siyang pangkaraniwan upang maging mamamahayag ng Salita ng Diyos. Galit tuloy ang nanaig sa kanila, kaya ipinagtulakan si Jesus palabas ng kanilang bayan at ihuhulog pa sana sa burol. Nawa’y biyayaan tayo ng Diyos ng Kanyang Espiritu upang Siya ay makita at madama natin sa pangkaraniwang tao at pangyayari sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




