Ebanghelyo: Lc 4: 31-37
Bumaba siya sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Nagtaka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapaguutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Pagninilay
Isa sa mga naiwang magandang turo ni San Ignacio de Loyola ay ang tinatawag sa Ingles na discernment of spirits (pagkilala ng mga espiritu). Ito ay napakahalaga, lalo na kung nais nating lubos na malaman ang kalooban ng Diyos, at ang nais Niya sa ating buhay. Nagbabala si San Ignacio na hindi lahat ng boses na ating naririnig sa ating isip ay galing sa totoong Espiritu ng Diyos. Si San Pablo mismo ang nagpahayag na magkaiba ang espiritu ng mundo sa Espiritu ng Diyos. Pagkatandaan na ang masamang espiritu, diyablo o demonyo ay maalam din sa Salita ng Diyos at marunong pang magbigay-puri (mambola) gaya ng pagkilala ng masamang espiritu kay Jesus bilang Banal ng Diyos. Mas ikabubuti natin na paigtingin at pag ibayuhin ang ating pagkilala sa totoong tinig ng Diyos sa pamamagitan ng pag-udyok ng Banal na Espiritu. Mangyayari lamang ito sa biyaya at kaloob ng Diyos at sa walang sawang panalangin, pakikinig, at pag-aaral sa Kanyang Salita, at sa pagbubukas ng isip, puso, at kalooban upang Siya ay manatili sa ating buhay. Tulungan nawa tayo ng Mahal na Birheng Maria.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




