Ebanghelyo: Lucas 4:38-44
Pag-alis niya sa sinagoga, nagpunta si Jesus sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila si Jesus tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan ni Jesus ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, dinala naman kay Jesus ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas.
Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagninilay
“Ipahayag ang Mabuting Balita sa iba pang bayan.” Matagumpay si Jesus sa pagpapagaling ng maraming maysakit. Matagumpay ang kanyang
pangangaral sa mga sinagoga. Nais nang maraming tao na huwag na siyang umalis sa lugar na iyon. Tiyak naman na pupuntahan siya ng mga tao. Subalit maliwanag kay Jesus ang hinihingi ng Ama, kailangang ipahayag niya ang Mabuting Balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan. Sa buhay sa parokya, naroon ang malaking temptation na manatili na lamang sa sentro at umasang pupuntahan doon ang mga serbisyo ng simbahan. Hindi ganun ang iniwang halimbawa ni Jesus. Masasabi nating siya ay “itinerant preacher at itinerant miracle worker”. Tunay nga siya ang mabuting pastol na iiwanan ang siyamnaput siyam na tupa upang hanapin ang isang tupa na naliligaw. Siya ang mabuting pastol na pupuntahan ang mga maysakit at gagamutin sila. Siya ang mabuting pastol na kasamasama
ng mga tupa sa kanilang paglalakbay. Kung minsan, nasa unahan upang ituro ang tamang daan. Kung minsan ay nasa likod upang ipagtanggol sa mga mababangis na hayop gubat. Minsan ay nasa gitna nila upang ipadama
sa lahat ang kanyang presensiya. Kapatid, handa ka bang pasakop sa Mabuting Pastol?
© Copyright Pang Araw-araw 2025